“Rowela, ika’y masyadong maamo sa mata ng nakararami, nais mo bang sumama sa bayan ngayong linggo? Tayo’y sasayaw lamang at titikim ng sinasabi nilang bagong tuba.”
Ito ang kadalasang aking narirrinig pag sumapit ang kasiyahan
sa bayan naming puno ng mga ligaw na kabataan. Nais ko mang maranasan ang ibig
nilang ipamulat sa aking mata sa realidad, ngunit ang sabi ng nakatatanda,
“ika’y maging ehemplo sa mga dalagita sa kapaligiran.” At ang turo ng simbahan
ay huwag mo munang ibigay ang iyong sarili sapagka’t wala kang nakikitang
tagikaw sa iyong daliri. Gayunman, sinunod ko ito at ako’y nangako na sa hirap
at saya, ako’y lalaban sa temptasyon ng tao.
Ako’y nasa tamang edad na, nauna pa nga sa akin ang mga
batang aking nakasama sa kalye sa sandaling panahon, mga kababaihang nasa
tamang edad pero hindi sa tamang estados ng buhay. Ngunit, batid ko’y hindi na
ito ang mundong ginagalawan ng uliran kong imahinasyon, isang mundong puno ng
tunay na pag-ibig at hindi kalibugan. Maituturi kang masama kung ika’y naligaw
sa landas, nadala ka ng kasakiman ng mundo at ika’y kailangang magdusa, ngunit
namulat ako sa katotohanang sila’y biktima lamang nang nakaraan; mga magulang
na walang pakialam, mga kaibigang walang pangarap, mga kapamilyang puro pasakit
at maling hinala ang dala, mga kasalanang hindi sila ang maygawa. Iilan lamang
ito sa mga rason kung bakit kinakaiangan nilang pagdaanan ang landas na sa
kanila pinadaan. Unti-unti kong naiintindihan ang tao at ang pangangailangan
nito, kaya labis na lamang aking pagkamangha sa mga kabataang hindi nagagalaw,
sila’y napaka tapang upang labanan ang maruruming isip na dala ng uri ng
mundong kanilang ginagalawan.
Nagdaan ang panahon, akoy patanda ng patanda at gayundin ang
pagkawala ng mga taong aking iningat-ingatan. Mga taong aking nakilala at sa
aki’y nabighani, ay nasa ibang kamay na ngayon sa kadahilanang hindi ko
maibigay ang kanilang hiling, isang hiling na alam kong ikasisira ng aking
pangako at pangarap. Araw gabi ipinagdarasal kong ako’y bigyan ng lakas ng loob
ng poong maykapal upang maisakatuparan ang aking ninanais. Sa kabila ng sakit
na aking naranasan sa kamay ng mga lalaking aking naibigan, hindi ko lubos
maisip kung bakit nga ba’y nag-iisa lamang ako sa mundong ganito ang hiling.
Minsan ko nang natanong sa aking sarili ,
“Rowela , ikaw ba’y masaya sa landas na ito? Ikasasaya mo ba
kung ikay tumiwala? Ikaw ba’y magpapatuloy na mag-isa kapag hindi mo ginawa ang
gusto nila?”
Minsan ko naring nabasa ang buhay ng isang magkarelasyon na
nagpakasal at siyaka pa lamang nila binahagi ang isat isa ngunit ito’y nauwi
rin sa hiwalayan. Duon napagtanto kung hindi sukatan ng iyong birhinidad ang
kasiyahan ng iyong hinaharap. Maaring ika’y malinis sa mata ng tao at ng Diyos,
ngunit hindi ng iyong buhay na haharapin. Pilit kong nilalabanan ang kathang
isip na ayaw tumiwala sa marumi kong utak. Inihiwalay ko ang aking sarili sa
mukha ng mga lalaki upang mabigyan ng katiwasayan ang aking imahinasyon.
“Di mo ibig humanap ng kapares?”
Huling tanong aking naalala… sa may bintana ako’y
nagpapahinga.
At labis na lamang ang kasiyahang aking nadama ng makita ko
ang maginoong niyang mukha, dala – dala ang gitara habang inaawitan ang isang
magandang binibini. Ako’y nabuhayan ng loob, at nasabing “nasa mundo na ako ng
imahinasyon, mundong pinangarap kong tirahan noon”
At maya-maya’y narining ko ang isang pamilyar na boses, ang
anak ng aking kapitbahay
“La, gamot nyo po”
Wakas….